Isa ang isda sa mga paboritong lutuin ng mga Pilipino. Maliban sa sustansyang makukuha sa pag kain nito, marami ding masarap na lutuin ang maaaring gawin dito. Ngunit kailangan munang tiyaking sariwa ang mabibiling isda upang maging masustansya at ligtas itong kainin.
Narito ang ilang paraan upang malamang sariwa ang isdang mabibili sa palengke:
Makuha sa “tingin”
Kailangang suriin ng mga mamimili ang mata ng isda na isa sa mga nagpapakita ng pagiging sariwa nito. Kailangan ay bilog pa ang hugis nito at buo pa. Hindi rin dapat ito nakalubog o hindi dapat namumula ang kulay.
Pisilin ang isda
Malalaman din ang pagiging sariwa ng isda sa kabuuan ng katawan nito. Kapag pinisil ito, kailangan ay katamtaman lamang ang tigas o lambot nito at hindi dapat parang masisira ang karne ng isda. Makintab din ang kaliskis nito o ang balat ng isda.
Mapulang hasang
Ang sariwang isda ay mayroon pang bahid ng dugo sa katawan lalo na sa bandang hasang at lamang-loob. Ito ang dahilan kung bakit mapula dapat ang hasang. Indikasyon ito na sariwa pa ang isda.
Walang kakaibang amoy
Normal sa isda ang may lansang amoy dahil ito ang natural na amoy ng isda. Kapag masang-sang na ang amoy nito, indikasyon ito na hindi na sariwa ang isda.